Thursday, June 18, 2009

Lokohan

Ang mga nakalipas na araw ay... puno ng kamalasan. Isang makasariling obserbasyon, oo. Ngunit sa muling pagtanaw ko sa mga nagawa ko sa unang tatlong araw ng semestre, maipipinta ko ang Kamalasan gamit ang mga letra ng aking pangalan.

Siguro naman hindi ko na kailangan ilagay pa dito ang mga nangyari sa akin, sapagkat napapagtanto ko na mapupuno ko ang higit sa kalahati ng pahinang ito. Sapat na na malaman na tuloy-tuloy ang pagbuhos ang kamalasan sa akin. Ilang beses na akong muntik masagasaan, matapilok, mabunggo, matawag ng wala sa oras - lahat ng iyon sa tatlong araw pa lamang! Tangina naman oh. Partida pa at wala pang biyernes, na kung saan hanggng ika-pito ng gabi ang klase.

Ilang beses ng sumagi sa isipan ko na ako'y pinaparusahan lamang ng Maykapal. Alam ko, napaka Lumang Tipan ang ganitong pag-iisip, ngunit hindi maiiwasan, pagkat parang buong galit ng santinakban ang naibuhos sa akin. Kung iisipin, sadya nga namang karapat-dapat ako sa kamalasang ito, kung kaparusahan ang pag-uusapan. Hindi ako santo; ilang beses na akong nagmumura, nagnanakaw, naggagalit ngunit hindi nagpapatawad,at kung anu-ano pa. Kung titingnan ito sa ganitong pananaw, karapat-dapat nga naman na pagbayaran ko ang mga mali kong nagawa.

Tinanggap ko ito, noong una. Ang sabi ko sa sarili ko, dapat lamang to, huwag ka magreklamo, kasalanan mo to. Ngunit ngayon, ang mga tuhod kong tumakbo at mga kamay kong nakasarado ay nanginginig na; hindi lamang sa takot at pangamba kundi pati na rin sa hiya. Ilang beses na akong yumuyuko at humihingi ng tawad, pero ni wala pang isang linggo ang lilipas at magkakasala na naman ako - biglang magmumura, maiinis, magagalit. Pilit akong nagmamalinis at maghuhugas ng kamay ngunit sa bandang huli ay tumutubo ulit ang mga sungay ko. Masyadong matapang ang amoy ng kasalanan. Sa katunayan, kani-kanina lang, nagmura na naman ako. Hay.

Dumaan sa isip ko minsan. Paano kung mas natuto akong gumanti at lumaban at pumatay at magmura at magpairal ng kalapastanganan? Iba ang landas na tatahakin ko, panigurado. Siguradong wala ako ngayon sa ganitong sitwasyon. Pero aun. Hindi maiiwasan itanong : "paano kung ang landas na yun ang dapat na landas ko?"

Sa totoo lang, minsan na ding dumaan sa isip ko ang tumakas na lamang at wakasan ang ilang mga bagay-bagay. Napakadali lang naman kasi mag-isip at magplano ng mga pagwakas. Kay dali lang eh. Wala naman akong pagmamay-ari na maipagmamalaki kaya hindi problema ang huli kong mga habilin. Ang pagkakatanda ko pa, pensyonado ako kapag ako ay pinatay. E di kung ganoon din naman pala, eh di sana namatay na lang ako. Nakatulong pa ako sa mga magulang kong pangit.

Subalit ang konsensya ko ang lumiligtas, at sa parehong pagkakataon, ang pumipigil sa akin sa twina'y ito'y nababatid. Aminin mo, alam ng damdamin mo ang totoo sa mali, ang masama sa mabuti. Malas ko nga lang at tila makulit ang konsensya ko at takot magkamali. Masyadong takot. Duwag at mahina at walang kwenta. Nakakainis. Sana pala wala na lang akong konsensya. Sa gayon, hindi ako mag-aalinlangan. Hindi ako madudumihan sa sarili ko at maglalakad ako ng tuwid at nakatingala.

Simple lang naman ang gusto ko.

Ay mali pala. Wala na nga palang simple sa mundong ito.

1 comment:

Marc said...

hindi natin yun pwede takasan. tao lang tayo mehn.